By Rowena Agilada
INAABANGAN naman ngayon kung kailan at saan ang kasal nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla. Islam rites kaya o Catholic wedding ang magaganap?
Muslim si Kylie tulad ng kanyang papa Robin Padilla. Katoliko naman si Aljur. Nabalita noon na diumano’y tumiwalag na si Kylie sa pagiging Muslim mula noong nagsuot siya ng sexy dresses. Kung totoo, malamang ay Catholic wedding ang sa kanila ni Aljur kung magpapa-convert si Kylie sa pagiging Katolika. O, baka garden wedding.
Whichever, ang mahalaga kay Robin ay maikasal sina Kylie at Aljur para mabasbasan ang kanilang pagsasama, lalo pa’t may anak na sila, si Alas Joaquin.
Hindi naging isyu kina Robin at Mariel Rodriguez ang religion. Nirerespeto nilang mag-asawa ang paniniwala ng isa’t isa. Ikinasal sila sa Islam rites. Gustuhin man ni Robin na magkaroon sila ng church wedding, sa pagkatanda namin, hindi pa naaprubahan ng Simbahang Katolika ang apela o petition ni Robin para sa church wedding nila ni Mariel.
Ikinasal na
Si Vaness del Moral pala ang Kapuso star na na-blind item na susunod na ikakasal after Mike Tan. Isang intimate wedding ang naganap kina Mike at sa kanyang non-showbiz wife.
Garden wedding naman ang kina Vaness at sa non-showbiz husband niyang si Matt Kier noong Feb. 18 sa Pinewoods Golf & Country Club Estate sa Baguio City.
Sa lumabas na wedding picture nila sa socmed, red and black ang bridal gown ni Vaness. Comment ng netizens, parang um-attend lang siya sa isang awards night. In fairness, carry naman ni Vaness ang wedding gown na likha ni Albert Andrada.
Si Regine Velasquez nga, all red ang wedding gown noong ikasal siya kay Ogie Alcasid, remember? Hindi kaya dumating ang panahon na kahit ano’ng kulay na lang ang wedding gown? Iba pa rin ‘yung traditional white wedding gown.
Di imbitado
How true kaya na hindi alam ng actor-director na si Ricky Davao na ikakasal ang panganay niyang anak (kay Jackielou Blanco) na si Kenneth? Feb. 14 ikinasal si Kenneth sa non-showbiz partner niya at may anak na sila. Totoo kayang hindi invited si Ricky? May tampuhan ba ang mag-ama?
May dalawa pang anak na babae sina Ricky at Jackielou, sina Rikkie Mae at Arabella. Matagal nang hiwalay sina Ricky at Jackielou.