By Ruel J. Mendoza
NA-MASTER na ng aktres na si Glydel Mercado ang balansehin ang pamilya, trabaho at pag-asikaso ng negosyo.
Sa tinagal na raw ng pagiging artista ni Glydel, alam na niya kung paano i-prioritize ang lahat.
“Importante na maayos ang oras at panahon mo sa lahat. Siyempre, di lahat puro work at pag-asikaso ng negosyo.
Priority ko pa rin ang pamilya ko,” ngiti ni Glydel.
Kapag walang taping si Glydel, pumupunta ito sa Imus, Cavite para bisitahin ang kanyang salon business doon na Industria Salon.
Hands-on ang aktres sa pag-asikaso sa mga customers. Kapag nandoon siya, siya raw mismo ang nagsa-shampoo, nagha-hot oil, nagkukulay at nagbu-blower ng buhok ng kanilang customers.
“Maganda kasi kapag personal ang service mo sa customer. Kapag nandoon ako, nakikipagkuwentuhan ako sa mga nandoon. Siyempre, kahit na artista ka, kailangan mo pa rin ng PR, ‘di ba?
“Nakakatuwa lang kasi kahit na wala ako roon, fully-booked kami parati. Kasi nga maganda ang service na binibigay namin parati.
“Sabi ko nga sa staff ko, huwag silang tatanggi sa sinumang customer. Tanggap lang sila ng tanggap kasi blessing iyon. Kasi baka maghanap ng ibang salon ang mga ‘yan.
“Kailangan lang na maganda ang pagbigay mo ng atensyon sa kanila habang naghihintay sila.
“Tsaka gusto ko maganda ang atmosphere ng salon. Kailangan masaya lahat para maganda ang pasok ng suwerte,” ngiti pa ni Glydel.
May mga iba pang balak na simulang na mga negosyo si Glydel pero paisa-isa raw muna.
“Slowly but sure tayo. Ayoko namang mawalan ng panahon sa family ko or mapabayaan ko ang trabaho natin.
Basta pinagdarasal ko na maging successful ang lahat ng nasa buhay ko ngayon,” pagtapos pa ni Glydel Mercado na kasama sa GMA Afternoon Prime teleserye na “The Stepdaughters.”