By Aaron Recuenco
Patay nang matagpuan ang nawawalang 37-anyos na lalaki sa Palawan.
Ayon kay Chief Insp. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA (Mindoro Oriental and Occidental, Marinduque, Romblon, and Palawan) regional police, natagpuan ang lasog-lasog na katawan ni Rebente Balakbak Ladja sa isang mangrove site sa Sitio Tokanigalo, Brgy. Catagupan, sa bayan ng Balabac.
Unang inereport ng mga kaanak ng biktima ang pagkawala nito noong isang linggo.
Ani Tolentino, nagpaalam daw ang biktima sa pamilya na mang huhuli raw ito ng alimango. Hindi na ito nakabalik.
Naniniwala ang pulisya na nasagpang ng buwaya si Ladja dahil na rin sa itsura ng labi nito.
Sumang–ayon naman ang mga kaanak ng biktima lalo na’t kalahati lang ng katawan ng biktima ang natagpuan.
Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad rito ang kalahati ng labi ng biktima pati na rin ang buwaya na kumain nito.
Hindi ito ang unang kaso ng pag-atake ng buwaya sa lugar.
Kamakailan lamang isang batang babae ang nilapa at napatay ng buwaya sa harap mismo ng kanyang maliit na kapatid.