By Mario T. Supnad
Abot langit ang pasasalamat ni Miriam Panco y Galit, 43-anyos, ng makaligtas siya sa pananaga Huwebes sa sarili niyang bahay.
Inginuso niya sa pulisya ang mga salarin na sina Violeta Mendoza at Bernardita Bustamante, mga kaalitang kapitbahay.
Ayon kay Panco, sinugod daw siya ng dalawa sa bahay niya dakong alas-11 ng umaga habang siya’y nagluluto ng pananghalian.
Nakita raw niyang iniabot ni Bustamante and isang bolo kay Mendoza na siya namang kumompronta sa kanya.
Ani Panco, tinanong daw siya ni Mendoza, “Pinapatawag ka sa barangay bakit hindi ka nagpunta?”
Hindi na raw niya nakuhang sumagot dahil pinagtataga na daw siya ng sunod sunod ni Mendoza.
Naitulak daw niya ang dalawa sabay takbo sa labas ng bahay upang humingi ng saklolo sa mga taumbayan.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang dalawang suspek.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang lahat sa matagal ng alitan ng tatlo ukol sa isang balon na nakatirik sa bakuran ng biktima.