By Rowena Agilada
KILIG-kiligan na naman ang Sharon-Gabby fans sa latest photo nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion na kanilang ipinost sa social media. Magka-holding hands pa ang ex-couple at parehong napakaganda ng kanilang mga ngiti.
Mula sa impormasyong nakuha namin, nagkita sina Sharon at Gabby sa isang five-star hotel sa Makati para sa isang meeting. Hinihinalang may kaugnayan ‘yun sa posibleng reunion movie nila.
Diumano, hopefully, magsisimula ang shooting sa May this year. Abang-abang na lang.
Kinabog
Umani ng maraming papuri si Lovi Poe mula sa mga nakapanood ng “The Significant Other.” Lutang na lutang ang akting niya na may mga nagsasabing kinabog niya si Erich Gonzales. Naka-deliver din naman si Erich, pero mas angat si Lovi sa ipinakita niyang performance.
Pinag-uusapan talaga ang husay niya. May mga nagsasabing plus factor si Lovi sa tagumpay ng pelikula. Sobrang thankful ang Kapuso actress na aniya, dapat bigyan din ng credit ang co-stars niyang sina Tom Rodriguez at Erich, pati ang ibang kasama nila sa pelikula. Group effort sila, at siyempre si direk Joel Lamangan na kanilang captain of the ship. Showing pa rin ang “The Significant Other” sa mga sinehan nationwide.
Kinakarir
Kinakarir ni Yasmien Kurdi ang pagpo-promote sa advocacy ng “Hindi Ko Kayang Iwan Ka” para matanggal ang stigma sa mga taong may HIV/AIDS positive.
Kamakailan ay nakiisa si Yasmien sa “Fit to Love” campaign ng Love Yourself Inc. kung saan ini-encourage ang lahat na kuhanan ng picture ang kanilang sarili para ma-empower na ipamalas ang kanilang self-worth.
Perfect timing ito for Yasmien dahil mas natututunan na niyang alagaan ang sarili na isine-share niya sa kanyang fans and supporters. Bukas na mapapanood ang “Hindi Ko Kayang Iwan Ka” sa GMA Afternoon Prime.
Ambassador
Kung todo-paseksi si Nadine Lustre sa mga post sa socmed ng sexy photos niya (may karapatan naman siya, in fairness), nananatiling wholesome ang image ni Kathryn Bernardo. Isa ‘yun sa mga dahilan, kaya siya ang napiling maging ambassador ng Girl Scout of the Philippines, ayon sa lumabas na report ng Pep.ph.
Ginanap ang launching kamakailan sa Library ng QC Hall. Ayon sa mga namamahala ng GSP, hindi lang ang wholesome image ni Kathryn ang kinunsider nila para maging ambassador ng GSP, kundi pati ang kabaitan nito at ginagawang pagtulong sa kapuwa.