By ROBERT R. REQUINTINA
Bilib na bilib ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid kay Morissette Amon na katatapos lang mag-stage ng isang successful concert sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City noong February 20.
“You are incredible,” ayon kay Velasquez na naging guest performer sa concert ni Morissette na pinamagatang “Morissette Is Made.” Nag-duet sila sa mga awiting “Akin Ka Na Lang,” at “You Are My Song.”
Dagdag pa ni Regine: “I am so happy for you. You deserve everything, all of the attention, because you are such a talented young girl. Alam mo, gagaling ka pa.”
“Natutuwa ako na you just waited for your turn, and now this is your turn. I just want to say I think we have produced another superstar,” sabi ni Regine.
Pero hindi nakalampas sa mga intriga ang concert ng 21-year-old Cebuana singer.
May balita na kaya raw halos mapuno ang concert ng magaling na singer ay sa dahilang namudmod ang isang relgious sect ng tickets para sa mga miyembro nito?
Hanggang ngayon ay hindi pa sinasagot ni Morissette ang intrigang ito.
Ilang araw bago ang concert nya, naintriga na rin si Morissette nang ibinalita sa kanya ni Boy Abunda sa “Tonight With Boy Abunda” sa ABS-CBN na mas mahal pa raw ang ticket nya kesa sa concert ni Sarah Geronimo.
“I don’t know with the producers. It’s not my job to do the ticket prices. Wala po akong sey dun,” ang sagot ng singer kay Abunda noong mag-guest s’ya sa talk show.
Binansagang “Asia’s Phoenix,” si Morissette ay nakilala matapos maging runner-up sa “Star Factor” sa TV5 noong 2012.
Fourteen years old pa lamang sya nun.
Noong 2013, sumali sya sa “The Voice Philippines” kung saan napasama sya sa Team Sarah Geronimo. Naging recording artist din sya ng Star Magic at umawit ng mga theme songs ng mga pelikula sa Star Cinema. Noong 2015, ang kanyang unang CD na “Morissette” ay naging platinum. Nanalo na rin sya ng ilang award sa music.