By RUEL J. MENDOZA
HINDI naman sinasara ng Kapuso actress na si Sanya Lopez ang posibilidad na balang araw ay sasali siya sa isang national beauty pageant tulad ng Binibining Pilipinas.
Bago naging aktibo sa showbiz si Sanya, sumali na ito sa dalawang local pageants noong 2013 sa Reyna ng Bulacan at noong 2014 sa Reyna ng Aliwan. Parehong runner-up lang si Sanya sa dalawang pageants na iyon.
Marami ang pumipilit kay Sanya na muling bigyan ng pagkakataon ang sumali sa pageant. Noong magkaroon ng screening para sa Binibining Pilipinas pageant, may gusto nang magdala kay Sanya sa screening.
Pero para sa 21-year old actress, tila hindi para raw siya handa para sa gano’ng kalaking pageant.
“Feeling ko kasi, hindi pa ako ready, hindi ko pa ramdam na dapat na akong mag-join.
“Siguro kapag nag-24 or 25 na ako, baka handang-handa na ako mag-join physically and emotionally.
“Gusto ko kasi na ‘pag sumali ako, ‘yung handang-handa na ako at gustung-gusto ko na.
“Ngayon kasi, mas gusto ko munang bigyan ng oras ‘yung showbiz career ko.
“One at a time, career muna, and then ‘yung dream ko na maging title holder ng isang beauty pageant ang susunod,” ngiti pa niya.
Nagtapos na ang pinagbibidahang afternoon drama series ni Sanya sa GMA-7 na “Haplos.” Sobrang mami-miss ni Sanya ang mga nakatrabaho niya sa “Haplos.”
“Yung pagiging close namin, ng lahat… ‘yung bonding naming mga artista, mga staff, crew.
“Sobrang babait, lalo na ni Direk Gil Tejada Jr., sobrang haba ng pasensiya,” sey pa niya.
Pahinga muna si Sanya habang walang next project.
“Siguro time for myself muna. Baka magbakasyon muna ako kasi ‘yun ang na-miss kong gawin.
“Pero kailangan ko muna ihanda ‘yung sarili ko for workout and para sa susunod ko pang project,” pagtapos pa ni Sanya Lopez.