By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Naglilinis ako ng kotse ko ng may makita akong malaking gagamba. Kumuha ako ng pamalo para hampasin pero biglang nawala. Tinignan ko na lahat ng sulok ng kotse pero hindi ko makita. Inisip ko na lang baka nakalabas na. Ano kaya ang gagawin ko para masigurado ko na nakalabas na yung gagamba sa kotse ko?
Wilfred ng Fairview
Hi Wilfred,
Hindi mo na masisigurado kung nasa loob pa ng kotse yung malaking gagamba! Ang nakakatakot dyan, habang nagdra-drive ka, saka lalabas yan! Siguradong maiihi ka sa takot. Saka malamang galit sa’yo yung gagamba na yan dahil nakita niya na hahampasin mo siya! Sunugin mo na yang kotse mo o kaya ibenta mo!
•
Hi Alex,
May asawa po ako at buntis ang misis ko ngayon. Unang anak ko ito kung saka-sakali. Alam ko na rin gender niya Tito Alex, lalae ang magiging anak ko. Nag-iisip lang ako ng magandang pangalan. May mga suggestion ba kayo kung ano ang ipapangalan ko sa anak kong lalake?
Benson ng Makati
Hi Benson,
Lord ang ipangalan mo sa anak mo! Ang ganda nun! Madaming makikipagkaibigan sa anak mo kapag Lord ang pangalan niya.
Biruin mo, kaibigan mo si Lord! Kapag tinanong sila ng mga magulang nila kung bakit sila ginabi, kasama nila si Lord.
Kapag aalis sila, sasabihin lang nila sa mga magulang nila, pupuntahan ko si Lord. Hindi makakatanggi ang mga magulang nila. Sa school, kapag nagro-rollcall si teacher, ang saya niyan kapag tinawag ang pangalan ng anak mo! Nandito na ba si Lord? Nandyan ka ba Lord? Wala pa ba si Lord! Ayos di’ba!
•
Hi Alex,
Tito Alex, millennial po ako, 18 years old. Lagi kong naririnig sa tatay ko yung party line. Ano po ba ang party line?
Jazz ng Quezon City
Hi Jazz,
Nung 80’s kasi, ng bihira pa lang ang landline, may mga naghahati sa iisang telephone number. Isang telephone number or linya, dalawang bahay ang gumagamit. Party line ang tawag dun. Madalas pinagmumulan ito ng away lalo na kung telebabad ang ka-party line mo. Sana maliwanag na sa’yo. Siguraduhin mo lang na party line ang sinasabi ng tatay mo hindi third party!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007