By GLEN SIBONGA
OVERWHELMED pa rin hanggang ngayon si Raymond “RS” Francisco sa pagkapanalo niya ng Movie Actor of the Year sa nakaraang 34th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) para sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang “Bhoy Intsik.” Pangalawang acting award na niya ito, ang una ay sa Sinag Maynila 2017, kung saan naging official entry ang “Bhoy Intsik” at nagwagi rin ng Sinag Box Office Award.
Hindi raw makapaniwala si Raymond na mananalo siya sa Star Awards dahil pawang mga sikat at malalaking aktor ang iba pang nominado sa Movie Actor of the Year. “Nanalo na po ako sa Sinag Maynila, so medyo alam ko na may laban din pala ako. Pero hindi ko po alam kung kaya ko bang manalo against Piolo (Pascual), Derek (Ramsay), Jericho (Rosales), Joshua (Garcia), Robin (Padilla), Aga (Muhlach), Dingdong (Dantes), Vic (Sotto). Sinabi ko pa sa Mommy ko, ‘Paano ako mananalo? Lahat ng kalaban ko first name lang sabihin mo kilala na, hindi mo na kailangan ng apelyido. E ako, si Raymond, sino iyan?’ Sa Facebook nga nag-post ako na, ‘Frontrow, please pray naman for me. I’m up against giants.’
So, for my second award, ‘yung sa PMPC Star Awards, I was hoping to win but I’m not expecting. Kaya I’m truly grateful, honored and humbled na sa akin ibinigay ng PMPC. Pero kung hindi ako ang nanalo, if I was to choose sino ‘yung mahigpit kong kalaban, it’s between Dingdong or Robin,” sabi ni Raymond.
Sa tagumpay ba niyang ito bilang lead actor at producer ng “Bhoy Intsik,” mas naging inspirado ba siya na gumawa pa ng maraming pelikula? “Actually, Frontrow Entertainment is more inspired to do more films. In fact, we will be producing five films for this year. Our first movie na gagawin namin, we’re starting na shooting this week or next week. It’s gonna be with Solenn Heussaff. It’s gonna be a horror film to be directed by Adolf Alix.”
Nag-uusap na rin daw sila ni Direk Joel Lamangan, na direktor din ng “Bhoy Intsik,” para sa follow-up movie na pagbibidahan ulit ni Raymond. Magiging abala rin siya sa pagbibidahan niyang stageplay. Siyempre nakatutok din siya sa kanyang negosyo sa Frontrow, na ang latest endorsers ay sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.