By Danny J. Estacio
SARIAYA, Quezon – Binawian ng buhay Huwebes ng umaga ang isang 54-anyos na lalaki sa Brgy. Concepcion dito makaraan matuklaw diumano ng isang ahas.
Ayon sa imbestigasyon, una ng dumating ang biktimang kinilalang si Bernardo Rio Jader Jr. sa pinagtratrabahuan nitong restaurant lagpas alas-siyete ng umaga na humahangos at tila balisa.
Naikwento raw nito sa kasamahang si Marjon Belen, 24, na natuklaw siya ng isang ahas habang naghahanap ng panggatong sa kalapit na kakahuyan.
Nagmakaawa raw itong itakbo siya sa pinakamalapit na ospital nguni’t tinanggihan siya ng abalang si Belen.
Bagkus, pinayuhan daw ni Belen si Jader na ihiga na lamang muna ang kanyang iniinda.
Maya-maya pa, napansin ng isa pa nilang kasamahan na si Alejo Manalo, 53, na nagpapawis at tila kinakapos ng hininga ang biktima.
Tuluyan ng binawian ng buhay si Jader makaraan ang anim na oras na paghihirap.