By Glen P. Sibonga
LABIS na ine-enjoy ng bagong Cornerstone Entertainment artist na si John Prats ang tinatamasa niyang tagumpay ngayon bilang direktor ng concerts at music videos. Siya ang direktor ng two-night sold-out “Tagpuan” concert ni Moira dela Torre sa KIA Theater noong Feb. 17 at 18. Ito ang directorial debut niya sa concert scene. Maging ang music video ng hit song ni Moira na “Malaya” ay si John din ang nagdirek. Pati na ang “Only Gonna Love You” music video ni Kyla.
“Sobrang happy ako. Like ‘yung concert ni Moira, maraming natuwa, maraming nag-enjoy, maraming na-touch. Iyon naman kasi ang objective namin ni Moira noong nagsisimula kami, kasi pangarap namin ito. More than to impress, gusto naming maka-touch through music. And tinanong nga kanina kung bakit ako nakakapagdirek ng concert, maybe because of my dancing, totoo rin naman iyon kasi doon ko nakukuha ‘yung love ko for music, that’s why I love doing music videos, concerts.’’
Kasama si John sa Cornerstone artists na humarap sa mga press at bloggers sa grand presscon ng Cornerstone Concerts sa Luxent Hotel para sa kanilang eight major concerts na ipo-produce ngayong taon in line sa selebrasyon ng kanilang ika-walong anibersaryo sa concert industry.
Big presure nga kay John na pagkatapos ng concert ni Moira ay puro anniversary concerts na ng Cornerstone artists ang susunod niyang ididirek. Kabilang dito ang 18th anniversary concert ni K Brosas titled “18K” na magaganap sa April 28 sa KIA Theater. Kasunod nito ang 10th anniversary concert ni Richard Poon sa May 18 sa Newport Theater sa Resorts World Manila. Nandiyan din ang 15th anniversary concert ni Erik Santos titled “Erik Santos: My Greatest Moments” na magaganap sa Sept. 22 sa MOA Arena.
Ibig sabihin ba nito mas priority na ni John ang pagdidirek ngayon kaysa sa pag-arte? “Well, umaakting pa rin naman ako, I’m still in ‘Ang Probinsyano’ at saka sa ‘Banana Sundae.’ But etong route (directing) na ito, parang ito ‘yung gusto kong gawing panghabambuhay.’’
Wala na nga raw mahihiling pa si John dahil bukod sa happy siya sa kanyang career ay masaya rin siya sa kanyang pamilya. Ready na raw sila ng asawa niyang si Isabel Oli na sundan ang panganay nilang si Feather.