By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Madalas po akong managinip kapag natutulog ako. Iba-iba po ang mga napapanaginipan ko. Minsan, nanaginip ako na may humahabol sa akin na isang lalake na hindi ko kakilala at galit na galit sa akin. Minsan naman nanaginip ako na nahuhulog ako sa isang malalim na bangin. Minsan naman nanaginip ako na natanggal ang isang ngipin ko at dumugo ang bibig ko. May isang panaginip naman ako na napapaligiran ako ng maraming ahas! May panaginip din ako na may nakadagan sa akin na isang babae na walang mukha. Minsan nga may panaginip ako na nananaginip daw ako! Tito Alex, bakit kaya madalas akong managinip at ano pwede mong bigyan ng kahulugan ang mga panaginip ko?
Celso ng Navotas
Hi Celso,
Hindi ko na bibigyan ng kahulugan ang bawat panaginip mo, napakadami! Wala akong panahon! Pero isang lang masasabi ko sa’yo! Kaya ka madalas managinip kasi madalas kang tulog! Magtrabaho ka, wag puro tulog ng mabawasan ka ng panaginip!
•
Hi Alex,
Mahilig ako manuod ng basketball, mapa-NBA, PBA or liga sa mga barangay. At ang madalas mapansin ko, ang mga players kapag nakaka-shoot, nagdadasal. Bakit ba sila nagdadasal kapag nakakashoot?
Norman ng Blumentritt
Hi Norman,
Buti naman at napansin mo rin. Dati nagtataka rin ako pero ngayon, naiintindihan ko na. Kasi mas OK kung magdadasal ka pagkatapos maka-shoot kesa naman magdadasal ka bago ka tumira. Kapag magdadasal ka bago tumira, makikita ka ng bantay mo, at alam na titira ka, babantayan ka na at malamang masupalpal. Saka kapag nagdasal ka bago tumira at nagmintis, baka sisihin mo pa si GOD!
•
Hi Alex,
Madalas akong makakita ng mga aksidente sa mga motorsiklo at bisikleta. Kahit naka-helmet sila, may mga kritikal pa rin at ang iba ay namamatay. Nakakatulong po ba talaga ang helmet para hindi ka masaktan kapag sumemplang ka sa motor or bisikleta?
Lerma ng Bicutan
Hi Lerma,
Sa totoo lang, nakakatulong sila pero hindi rin gaano. Kapag masama talaga ang pagkakasemplang mo, madadale ka rin.
Ang naiisip ko lang na pinakamalaking tulong ng helmet ay yung nagmamayabang ka sa daan tapos sumemplang ka, at least hindi ka mamumukhaan at hindi ka mapapahiya kasi hindi kita ang mukha mo.
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007