By ROBERT R. REQUINTINA
MAGDADALA ng mainit na bakbakan sa malamig na panahon ng Baguio si Cardo (Coco Martin) sa pagsalakay niya kasama ang Vendetta upang tugisin sina Don Emilio (Eddie Garcia) at De Silva (Joko Diaz) sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Wala nang takas pa ang mga kalaban ni Cardo dahil susuyurin niya at ng kanyang grupo ang bawat sulok ng Baguio upang pigilan ang paghahasik nila ng kaguluhan sa lungsod.
Ngunit sabay sa selebrasyon ng piyesta ng Panagbenga, isang malaking unos ang kanilang haharapin sa pagpapasabog ng bomba ng mga tauhan nina Don Emilio at De Silva, na nagbabadyang magpahamak sa buhay ng libu-libong tao.
Malalagay din ang buhay ng pamilya ni Cardo sa panganib dahil ang buong pamilya niya ay nasa Baguio rin upang ipagdiwang ang kaarawan ni Lola Flora (Susan Roces) at nakaambang madamay sa kaguluhan.
Magawa nga kayang pigilan ni Cardo sina Don Emilio at De Silva?
Samantala, gabi-gabi pa ring inaabangan ng buong bansa ang maiinit na kaganapan sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at nananatiling numero uno sa national TV ratings. Nitong Lunes (Marso 5), nagkamit ang serye ng national TV rating na 41.8%, laban sa katapat nitong “Sherlock Jr.,” na mayroon lamang 14.8%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Ang palabas din ang pinakapinanood na programa sa buong bansa noong Pebrero.