MALOLOS (PIA) – Ibinabaon na ang mga pundasyon para sa itatayong pitong palapag na E-Library ng Bulacan State University o BulSU.
Ayon kay BulSU President Cecilia Gascon, target matapos ang pagpupundasyon bago ang Agosto 2018 at masimulan agad ang konstruksyon upang matapos ang proyekto sa taong 2020.
Nagmula sa sariling kita ng BulSU ang 78 milyong pisong pondong inilaan sa pagpupundasyon na ginagawa ng Reed Steel Fabricators Inc., na kilalang gumagawa rin ng mga pundasyon ng malalaking tulay at gusali sa bansa.
Sa ipinakitang disenyo ng kontratista, katumbas ng anim na palapag na gusali na lalim ng mga pundasyong ibinabaon dito.
Bukod dito, magiging centralize ang air conditioning ng itatayong pitong palapag na E-Library na patatakbuhin ng Solar Energy.
Lalagyan din ito ng Radio Frequency Identification upang matiyak na nababantayan ang mga pumapasok at lumalabas na tao maging ang mga bagay na ipinapasok o inilalabas sa gusali.