By Rowena Agilada
SHOWING na sa March 14 ang “My Perfect You” sa mga sinehan nationwide. Mahuhusgahan na kung may chemistry sina Gerald Anderson at Pia Wurtzbach. First time nilang nagkasama sa pelikula, kaya kaabang-abang kung perfect match sila on screen.
Bukas ang mediacon ng “My Perfect You” at magandang tanungin sina Gerald at Pia sa naging working relationship nila.
For sure, maraming kuwento ang direktor nilang si Cathy Garcia-Molina sa pakikipagtrabaho kina Gerald at Pia.
Tsikadora kasi ang magaling na lady director.
Produced ng Star Cinema ang “My Perfect You” na isang romcom (romance-comedy).
Blooming
Parang hindi tumatanda si Yasmien Kurdi. Ten years na siya sa showbiz at produkto ng “Starstruck 1,” pero kapag pinapanood namin siya sa “Hindi Ko Kayang Iwan Ka,” halos walang ipinagbago ang itsura ng mukha niya. Youthful looking pa rin siya at blooming na blooming sa mga eksena niya.
Nakakabilib ang pagbalanse ni Yasmien sa pagtatrabaho, pag-aasikaso sa kanyang pamilya (asawa’t anak) at pananatili ng healthy body. Nakakatulong kay Yasmien ang pag-e-exercise para sa positibong pananaw niya sa buhay.
Advocate siya ng awareness tungkol sa HIV/AIDS at focused siya sa pagpapanatili ng stress-free lifestyle. Malaking tulong ito sa pagganap niya sa HKKIK. Mas lalong gumaganda ang mood ni Yasmien dahil trending at pinag-uusapan ang kanilang advocaserye.
Kamakailan ay sumali si Yasmien sa “Fit to Love” campaign ng Love Yourself Inc. kung saan ini-engganyo ang lahat na kuhanan ng retrato ang sarili para ma-empower na ipamalas ang kanilang self-worth.
Sanib-puwersa
Sanib-puwersa ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Solar Entertainment, Inc. sa pagsuporta sa Sinag Maynila 2018. Magpapalabas ito ng mga pelikula sa Cine Lokal simula March 9 to 15.
Kabilang dito ang “Abonimation,” directed by Yam Laranas, “Bomba” (by Ralston Jover), “El Peste” (by Richard Somes), “Melodrama/Random/Melbourne” (by Matthew Victor Pastor) at “Tale of the Lost Boys” (by Joselito Altarejos).
Magdaraos din ng FDCP Film Talks@Sinag Maynila on March 10 sa SM North EDSA Cinema 3 at 1 p.m.. Registration at 12:30 p.m.. Libreng forum ito para sa mga diskusyon kung paano maitatampok ang pelikula sa international film festivals at maidistribute sa ibang bansa.