By Ruel J. Mendoza
MALAKI ang utang na loob ng bagong Kapuso leading man na Neil Ryan Sese sa pumanaw na direktor na si Maryo J. delos Reyes.
Bukod sa pagiging manager niya ito, para na raw pangalawang tatay na ni Neil si Direk Maryo na concern sa showbiz career niya.
Huling pag-uusap nila ng yumaong direktor ay ang tungkol sa teleserye na “Ang Forever Ko’y Ikaw.”
Pinagsabihan pa raw siya na magpaguwapo at magpa-macho para sa role niya bilang si Lance.
“Si Direk Maryo talaga ang nag-push sa akin na subukan ang maraming roles. Siya ang dahilan kung bakit nakilala ako bilang si Simon sa ‘Munting Heredera.’
“Ngayon after ng mga villain roles ko, heto nagkaroon tayo ng pagkakataon na magbida sa ‘Ang Forever Ko’y Ikaw.’
“Kung hindi sa pangangalaga niya, siguro baka hanggang teatro na lang ako at paggawa ng mga indie films.
“Dahil sa kanya, kahit paano ay nakilala ako sa mga teleserye and hopefully, matuwa sila sa akin sa feel-good teleserye namin ni Camille Prats,” ngiti pa ni Neil.
Binigyan ng personal stylist ng GMA-7 si Neil para sa kanyang leading man role sa “Ang Forever Ko’y Ikaw.”
Naging peg ng character ni Neil sa teleserye ay ang Hollywood actor na si Robert Downey, Jr.
“Sobra itong ginawa nila for me. Kaya ang laki ng pasasalamat ko sa GMA-7 kasi sa edad kong ito (38 years old), hindi ko akalain na mararating ko pa ang leading man status.”
“Akala ko nagbibiro sila. Kasi sanay ako sa mga roles ko na salbahe, bastos, mamamatay-tao, rapist… basta kontrabida and happy ako sa mga gano’ng roles.
“Nung ibigay sa akin ang role na ito, parang ‘Serious ba kayo? Ako magiging leading man?’ Kaya hanggang ngayon, di ako makapaniwala.
“Minsan kinukurot ko ang sarili ko para magising ako. Eh ramdam ko ang kurot kaya gising naman ako. Totoo pala itong nangyayari,” tawa pa niya.