by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Mahilig po ako kumain ng isda. Minsan habang kumakain ako, naisip ko ang katananungan na ito. Nauuhaw at umiiyak po ba ang mga isda?
Enteng ng Binangonan
Hi Enteng,
Hindi ko alam kung anong isda ang nakain mo at tinanong mo yan pero sige, pagbibigyan kita. Umiiyak ba ang mga isda, oo! Lalo na kapag nahuli sila ng mga mangingisda! Lalo na kapag sardinas ka, maiiyak ka kapag ilalata ka! Lalo na kung kasama mo sa lata yung ex mo tapos yung bago niyang dyowa! Ang saklap! Nauuhaw din ba ang mga isda, oo rin! Ikaw ba naman lumangoy ng lumangoy buong maghapon at buong magdamag kakahanap ng ‘the one’, hindi ka ba uuhawin! Ang masaklap kakahanap mo sa ‘the one’, mahuhuli ka ng mga mangingisda, tapos ilalata ka! Makikita mo ang ‘the one’ mo kasama mo sa lata pero huli na ang lahat! Ayan ha, sinakyan ko na ang trip mo hayop ka!
*
Hi Alex,
Balak ko po bumili ng bagong TV. Luma na kasi ang TV ko, yung may picture tube pa. Mahirap lang kami at matagal akong nag-ipon para makabili ng TV. May mga nagsasabi na bumili ako ng LED TV, may nagsasabi na bumili ako ng flat, may iba curve! Ano po ba ang kaibahan nila?
Nancy ng Pasig
Hi Nancy,
Walang kaibahan yan! Pareho pa rin ang palabas na mapapanuod mo! Saka ibagay mo sa bahay mo ang TV! Mamaya, mas malaki pa ang TV na mabili mo kesa sala mo. Baka sa sobrang laki ng TV, hindi niyo maipasok sa bahay mo. Saka nasabi mo na mahirap lang kayo, baka naman may TV nga kayo, wala naman kayong makain. Mahirap manuod ng TV na gutom lalo na kung cooking show ang panunuorin mo.
*
Hi Alex,
Nagpaalam sa akin ang boyfriend ko na pupunta siyang Baguio. Pero pagbalik niya, napansin ko, umitim siya. Totoo kayang nagpunta siya ng Baguio?
Nadine ng Makati
Hi Nadine,
Bakit naman hindi? Wala bang araw sa Baguio? Subukan mo tumayo sa Session Road ng tanghaling tapat kung hindi ka umitim!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007