By Kate Louise B. Javier
Patay ang dalawang lalaki nang barilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City noong Lunes ng gabi.
Naghihintay ng mga pasahero si Arnold Martinez, 44, isang tricycle driver, nang barilin siya ng dalawang lalaking nakasakay sa isang motorsiklo sa tapat ng isang supermarket sa Malolos Avenue dakong 6:15 p.m.
Si Martinez ay dinala ng kaniyang anak na lalaki sa Manila Central University Hospital kung saan siya ideneklarang dead on arrival dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo at katawan.
Walang motibong maisip ang mga kamag-anak ni Martinez sa pagpatay sa kaniya, dahil walang kaaway ang biktima.
Ayon kay SPO1 Ariel dela Cruz, investigator on case, inaalam pa nila kung may previous criminal records o kasama sa drug watchlist ang biktima.
Dakong 11:20 p.m., itinumba naman ng dalawang nakamotorsiklong masked gunmen si Isagani Opiasa sa Phase 1, Bagong Silang.
Papauwi na si Opiasa matapos samahan ang isang ginang nang pagbababarilin siya ng anim na beses sa ulo at katawan, ayon kay Senior Inspector Dennis Odtuhan.
Ayon sa police, maaaring love triangle ang motibo sa likod ng pagpatay sa biktima.