By Minerva BC Newman
TACLOBAN CITY – Pinosasan ng mga awtoridad ang isang lalaki sa bayan ng Diit dito Martes matapos itong manakit at mang-hostage.
Ayon kay Bella Rentuaya, Police Regional Office (PRO)–8 regional information Officer, nangyari ang krimen dakong alas-kuwatro ng hapon sa opisina ng Tata Motors kung saan kinompronta ng suspek na si Maximillian Montayre ang biktima na si Maria Victoria Sia, 28.
Napag–alaman na dating magka-live-in ang dalawa, nguni’t nakipaghiwalay diumano itong si Sia kay Montayre sanhi ng pagmamaltrato.
Umabot ang problema ng dalawa sa barangay, kung saan binigyan si Sia ng Protection Order (PO) laban kay Montayre.
Hindi ito naging sapat.
Nauwi sa pagtatalo ang pagkikita ng dalawa, kung saan nagalit umano itong si Montayre at bumunot ng .38 na baril, sabay hampas sa ulo ng biktima.
Dito na tumawag ng pulis ang mga ka-opisina ni Sia.
Hindi kaagad sumuko si Montayre sa mga rumespondeng pulis. Bagkus, lalo pa diumano nitong hinigpitan ang hawak sa leeg ng dating kalaguyo na kanya ring tinutukan ng baril sa ulo.
Sa patuloy na pakikipagnegosasyon, sumuko rin si Montayre sa kanyang employer na si Michael Espinosa.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulis si Montayre habang si Sia naman ay nakauwi na matapos magamot sa malapit na ospital ang sugat nito.