Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May anak po akong elementary at mahilig siyang kumain ng chewing gum. Kaya naman tuwing umaga, bago siya pumasok sa school, linalagyan ko siya ng chewing gum sa bulsa. Isang paketeng chewing gum yun may sampung piraso. Sige, sasabihin ko na ang brand, juicy fruit siya. Pero isang araw, kinausap ako ng anak ko at umiiyak. Hindi daw siya ang nakakaubos ng chewing gum, inaagaw daw ito sa kanya ng bully niyang mga classmates. Nainis ako sobra kaya kinausap ko ang teacher ng anak ko. Pero tuloy pa rin daw ang pang-aagaw sa kanya ng chewing gum. Ano po ba ang magandang gawin para tumigil na ang mga bully niyang classmates?
Phoebe ng Poblacion
Hi Phoebe,
Madami talagang bully sa mga schools ngayon. Kapag pinatulan mo yan, lalabas ka pang masama, kapag pinabayaan mo, aabusuhin ang anak mo. Pero wag kang mag-alala, may solusyon dyan! Ganito ang gawin mo. Sa umaga, buksan mo ang mga chewing gum ng anak mo, kumuha ka ng sili, yung siling labuyo, ipunas mo sa mga chewing gum. Siguraduhin mo na makatas yung sili at makaskas mo ang mga buto. Ibalik mo ulit sa pagkakabalot. Ibigay mo sa anak mo, at sabihin mo, wag niyang kakainin. Sigurado, pagdating sa school at kinain ng mga bully ang chewing gum, first time mong makakakita ng mga students na naluluha habang kinakanta ang Lupang Hinirang.
•
Hi Alex,
Summer na naman at madami na naman ang magswi-swimming. Mahilig po akong magswimming at magaling ako lumangoy. Naisip ko tuloy mag-apply bilang Lifeguard. Bukod sa magaling lumangoy, ano po ba ang mga dapat kong gawin bilang paghahanda sa pagiging LIFEGUARD?
Jess ng Alabang
Hi Jess,
Seryosong trabaho ang pagiging Lifeguard dahil sila ang sumisiguro na ligtas ang mga lumalangoy sa beach o swimming pool. Tutal magaling ka na lumangoy, ito ang mga dapat mo pang matutunan. Una, kailangan marunong kang umupo sa mataas na upuan. Dapat bagay sa’yo ang naka-shades. OO, naka-shades ka dapat para hindi halatang natutulog ka o kaya nakatitig sa babaeng naka-two piece. Dapat magsanay ka na na nakatulala o nakatunganga maghapon. At ang panghuli, ihanda mo na ang sarili mo na makakita ng mga babaeng naka-bathing suit nga pero may t-shirt naman sa ibabaw o kaya mga lalakeng nagswi-swimming pero naka-complete basketball uniform!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007