By Laila Chikadora
PRESENT ang mag-asawang Ice at Liza Diño-Seguerra sa presscon ng National Commission for Culture and the Arts para sa Buwan ng Panitikan na magaganap buong buwan ng April. Maraming libreng pasine at seminar ang Film Development Council of the Philippines na pinamumunuan ni Liza. Naikuwento naman ni Ice na bukod sa NYC Chairperson ay siya ring Ambassador for Literature ng NCCA, na challenging para sa kanya kung paano mahihikayat ang mga kabataan na tangkilikin ang sariling Panitikan sa harap ng pagiging techy. Say ni Ice “Parang mas available ang literatura noong bata pa tayo e, of course ngayon, may internet pero minsan nada-drown ang Philippine literature so sana magamit din natin ang teknolohiya para mas marami pang mga kabataan ang makapagbasa ng napakarami nating kuwento at tula.”
Sa April 5 pa ang effectivity ng resignation ni Ice bilang Chairperson ng NYC kaya aktibo pa din siya sa pagdalo sa mga presscon gaya nito. Naikuwento naman ng mag-asawa na emosyonal at intimate ang naging pakikipag-usap nila kay President Duterte. Kuwento ni Ice, “Hindi ko inaasahan na maiiyak talaga ako, ang cool ko pa eh! Pero nung pumasok na siya, sinabi ko.. sir, Mr. President tapos nanginig na boses ko, sabi ko, mamamaalam na po ako! Bigla ako naiyak! Hindi ko alam kung bakit bigla ako naiyak e!
Nalungkot din ang Pangulo sa pagbibitiw ni Ice pero tinanggap naman daw ito ni Digong.
Kahit naman pigain, hindi sinabi ni Ice ang dahilan ng kanyang pagreresign. Ang lagi lang niyang sagot ay “PERSONAL.”
Matagal na pinag-isipan ni Ice ang kanyang desisyon at ilang beses ding pinag-usapan ng mag-asawa bago bumisita sa Malacañang. Dagdag pa ni Ice, “No regrets! Im not the type of person din naman talaga na nagmamadali magdesisyon. It may seem like it sometimes, pero di talaga. Inisip ko na ‘yan and after ko inisip pinag-usapan namin ng asawa ko and of course my family alam nila ‘yan.”
Pakiusap pa ni Liza, ‘wag bigyan ng kulay ang pagbibitiw ng asawa… lalo na kung ito ay dilaw! “Alam naman natin how social media can really judge and say a lot of negative things, I am very sad of how people can just use Aiza’s resignation into their own agendas saying may “dilaw”, nakakalungkot! Personal reasons nga ‘di ba? So bakit niyo kukulayan ng kahit anong politikal na dahilan? I just feel so sad about us as Philippines, like why and how have we become these kinds of people na naglalagay ng kulay sa lahat ng mga bagay. You know sometimes, mamutawi pa din ‘yung respeto.”
Nakatakda nang magterminal leave si Ice at looking forward na din siya sa Holy Week. Bukod sa panahon ng pagmumuni, family time at paggawa ng kanyang dalawang taon nang delayed na album ang kanyang tututukan.
Nangako din ng suporta si Ice sa NYC sa hinaharap kahit hindi na siya ang Chairperson.
Alam naman ni Liza na nasa puso ni Ice ang pagtulong sa mga kabataan kahit pa wala na siya sa NYC. Kaya in full support siya sa desisyon ng asawa. Posible din daw na maging kaagapay niya si Ice sa FDCP.