By RUEL J. MENDOZA
SUPER fan pala ng Kapuso actress na si Kyline Alcantara ang aktres at misis ni Bossing Vic Sotto na si Pauleen Luna-Sotto.
Hindi raw nakaka-miss si Pauleen ng anumang episode ng GMA primetime teleserye na “Kambal, Karibal” dahil galing na galing ito sa pagganap ni Kyline bilang kontrabida na si Chesca.
Nag-post pa si Pauleen sa kanyang Instagram Story ng selfie nila ng Kapuso young actress kung saan tinawag pa niyang Chesca si Kyline.
Kelan lang ay nagkasama sina Pauleen at Kyline sa taping ng isang episode ng Lenten presentation ng “Eat Bulaga.”
Masayang ikinuwento naman ni Kyline ang unang pagkakataon na magkaharap sila ni Pauline at naramdaman niya agad ang mainit na pag-welcome sa kanya sa taping.
Hindi raw niya inakala na ang isang tulad ni Pauleen ay pinapanood ang show nila at isang aminadong tagahanga niya.
“Pagkadating na pagkadating ko po sa set, sobrang na-overwhelm po ako sa pag-welcome nila sa akin lalo na po ni Ms. Pauleen Sotto.
“Nakahiga siya tapos napatayo siya tapos sabi niya, ‘I’m a fan!’ Sabi ko, nanonood po pala ang isang Pauleen Sotto ng ‘Kambal, Karibal,’” masayang kuwento ni Kyline sa GMA news program na “24 Oras.”
Hindi lang si Pauleen ang super fan ni Kyline kundi pati ang buong production staff ng taping nila na mga avid televiewers din ng “Kambal, Karibal.”
Inaabangan daw nila parati ang mga masamang gagawin ng character niyang si Chesca kay Crisan na ginagampanan ni Bianca Umali.
“Sobrang nagulat po ako sa mga reaksiyon nila, pinupuri po nila ako kung paano ako umarte,” ngiti pa ni Kyline.
Bukod kay Pauleen, kasama rin ni Kyline sa naturang Lenten episode ay sina Ruby Rodriguez, Luane Dy, Sinon Loresca at Kenneth Medrano.