by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Last year po, may madalas na tumatambay na taong grasa sa lugar namin tapos biglang nawala. After ilang araw, may sumulpot naman na ibang taong grasa. Nagtataka lang po ako, bakit po kapag nakakakita ako ng taong grasa, lagi siyang mag-isa? Wala pa akong nakitang taong grasa na grupo o kaya kahit dalawa lang na magkasama?
Danilo ng Pasig
Hi Danilo,
Ang mga taong grasa kasi mga choosy yan at mapili rin sa kaibigan. Ayaw nila sumama sa kapwa nila taong grasa. Nawawala yung uniqueness nila kapag dalawa silang taong grasa. Base rin sa kwento mo, di’ba nawala muna yung isang taong grasa bago may pumalit na bago? Kasi may respeto sila sa isa’t-isa. Kapag may isang taong grasa na sa isang lugar, hindi na sila tatambay dun, may kanya-kanya silang assignment. Nagme-meeting yang mga yan para walang conflict. Saka, kaya sila naging taong grasa dahil wala silang kaibigan. Kasi kung may kaibigan sila, sisitahin na sila dahil dumudumi na sila, hindi na sila magiging taong grasa! Galit din ang mga taong grasa sa mga HYPEBEAST. Kasi kinukumpetensiya sila sa mga malls. Dati taong grasa lang ang hindi pinapapasok sa mall, ngayon mga HYPEBEAST na din. Kaya baka dyan magsimula na magsama-sama ang mga taong grasa para labanan ang mga HYPEBEAST. Masaya yan! Abangan!
Hi Alex,
May bagong tayong tindahan ng siopao sa lugar namin. Mukha naman siyang masarap kaya lang natatakot ako kasi hindi ko alam kung totoong karne ba ang sangkap. Nagkalat kasi sa FACEBOOK ngayon yung mga video ng mga siopao na ang ginagamit daga o kaya pusa. Nakakatakot! Paano ko kaya malalaman kung daga o pusa ang ginamit sa siopao?
Marco ng Binondo
Hi Marco,
Grabe ka naman Marco! Hindi naman lahat, meron din naman na legit na tindahan ng siopao. Pero dahil tinanong mo sa akin, sasagutin kita. Ganito lang yan, kapag nabawasan ang daga sa lugar niyo at wala namang pusa, ibig sabihin, daga ang ginagamit sa siopao. Kapag dumami ang daga, at nawala ang mga pusa, ibig sabihin, pusa yan! Kapag sabay nawala ang pusa at daga, ibig sabihin, combination yan, special siopao ang tawag dyan!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007