By GLEN P. SIBONGA
GUSTO ng Chief Operating Officer ng Tourism Promotions Board na si Cesar Montano na ma-relaunch ang Boracay bilang isa sa magaganda at malilinis na tourist destinations sa Pilipinas. Kaugnay ito ng pinagtatalunang isyu ngayon kung dapat nga bang pansamantala munang isara ang Boracay at ma-rehabilitate ito.
“Alam mo dapat ibigay natin ang kuwestiyon sa ibang tao. Gusto ba nilang mai-close ang Boracay forever o gusto nilang mai-close ang Boracay for a while and then relaunch ito as the new, pure Boracay. So, ako, doon na ako sa relaunch, di ba?” sabi ni Cesar.
Ngayon ngang lumabas na ang rekomendasyon ng inter-agency task force para sa Boracay rehabilitation na pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Tourism na ipasara muna ang Boracay ng isang taon, nakahanda naman ang TPB para sa promosyon ng iba pang tourist destinations sa bansa.
Ayon nga kay Cesar, “Ire-refocus ko sa iba, divert my focus to other destinations. Nandiyan ang Palawan, nandiyan ang Bohol, nandiyan ang Siquijor. And some parts of Mindanao also, like Davao. Kasama rin ang Ilocos and northern part ng bansa natin. Marami pang iba na pwedeng puntahan ang mga turista, hindi lang ang Boracay.”
Bukod dito may bagong campaign ding pinangungunahan sa TPB si Cesar. Ito ang Cine Turismo, na nagbibigay recognition sa mga pelikulang nagpapakita sa kagandahan ng Pilipinas at nakatutulong sa Philippine tourism. Sampung Filipino films na ipinalabas noong 2016 hanggang 2017 kasama na ang dalawang South Korean films ang pinarangalan noong March 15 sa Diamond Hotel. Kabilang din sa binigyan ng recognition ang mga direktor at filmmakers ng naturang mga pelikula.
Binigyang parangal ang mga pelikulang “Siargao” by Paul Soriano, “Sakaling Hindi Makarating” by Ice Idanan, “Lakbay2Love” by Ellen Ongkeko-Marfil, “Paglipay” by Zig Dulay, “Camp Sawi” by Irene Villamor, “Patay Na Si Hesus” by Victor Villanueva, “Apocalypse Child” by Mario Cornejo, “I Found My Heart in Santa Fe” by Bona Fajardo, “Requitted” by Nerissa Picadizo, at “Kiko Boksingero” by Thop Nazareno.
Ipinagkaloob naman ang special citations sa South Korean films na “Mango Tree” by Lee Soo-Sung na shot sa Cebu, at “Romantic Island” by Cheol-Woo Kang na shot naman sa Boracay.