By Jean Fernando
Isang lalaki na hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng droga ang binaril at napatay ng isang gunman habang nakikipag-usap sa dalawang babae sa Parañaque City noong Lunes ng umaga.
Dead on the spot si Alejandro Cortez Bencio, 25, ng 246 Celanville Compound, Barangay Manuyo 1, Las Piñas City, dahil sa tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Supt. Jenny Tecson, Southern Police District (SPD) spokesperson, naganap ang pamamaril dakong 4:30 a.m. sa Rome St., Tramo 2, Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Sinabi ni Tecson na nakikipag-usap ang biktima sa dalawang hindi kilalang babae nang biglang sumulpot ang gunman at pinagbabaril siya.
Kahit na sugatan, nagawa pa ng biktima na tumakbo palayo, ngunit sinundan pa rin siya ng suspect at muli siyang pinagbabaril sa katawan.
Na-recover ng SPD-Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala, isang bala mula sa .45-caliber pistol, at tatlong sachet ng shabu.