By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Malikot po ang anak ko at madalas madapa kapag naglalaro. Minsan, galos lang, minsan malalim ang sugat. Kahit anong saway ko, hindi pa rin nadadala. Kapag nasugatan, sa akin tumatakbo at agad nagpapalagay ng Betadine. Pagkalagay ng Betadine, takbo na naman para maglaro. Minsan, sa isang araw, mahigit sa tatlong beses kapag nadapa. Ano kaya ang gagawin ko para hindi na maglikot ang anak ko at para maiwasan ang madapa.
Rebecca ng Pasig
Hi Rebecca,
Base sa sulat mo, mukhang napakadalas ngang madapa ng anak mo. At base rin sa sulat mo, lagi mo siyang ginagamot ng Betadine. Ang Betadine kasi ay gamot sa sugat na walang hapdi. At mukhang yan ang dahilan kung bakit malikot pa rin ang anak mo at hindi nadadala kapag nadadapa. Palitan mo ang Betadine ng alcohol o kaya merthiolate o kaya pagsabayin mo. Sobrang hapdi niyan dalawang yan! Yan ang pinapahid ng nanay ko sa sugat ko kapag nadadapa ako! Mas masakit pa sa dapa ang gamutan ng panahon ko! Kapag nadapa ako, umiiyak ako dahil naiisip ko na ang sakit ng alcohol at methiolate!
Kaya mula noon, maingat na ako maglaro. Subukan mo sa anak mo yan, siguradong huling dapa niya na yun. Syangapala, kapag napunasan mo ng alcohol o merthiolate, hipan mo agad para mas lalong mahapdi!
•
Hi Alex,
May puno po kami ng mangga sa tabi ng bahay namin. Madalas itong mamunga. Ang problema ko, kapag namumunga ito, nalalaglag sa bubong namin. Kapag sa gabi, nakakagulat kasi akala namin may bumato sa bahay namin. Nag-aalala na rin ako baka masira ang bubong namin kasi madalas mahulugan ng mangga. Ayaw ko naman ipaputol ang puno dahil ang dami kung mamunga. Ano kaya ang gagawin ko?
Sol ng Caloocan
Hi Sol,
Ang swerte mo naman at may mangga ka sa bakuran niyo at madami kung mamunga. Ang problema mo nga lang ay madalas malaglag sa bubong niyo ang mga bunga. Kung ayaw mo ipaputol dahil nanghihinayang ka sa puno ng mangga niyo, ipatanggal mo na lang ang bubong niyo. O kaya, ilipat mo na lang ang bahay niyo sa ibang lugar na hindi malalaglagan ng mangga.
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007