PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Tinatayang mahigit sa limampung establiyementong pang negosyo sa paligid ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) sa Sitio Sabang, Barangay Cabayugan ang maaaring gibain o baklasin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ito ay matapos na magsagawa ng easement validation sa lugar ang Project Development Evaluation Committee (PDEC) ng Protected Area Management Board (PAMB) ng PPUR, at mga tauhan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Bukod dito, maaari ring matanggal ang mga bahay ng nasa 88 pamilya na nakatira sa Campsite na ayon sa DENR ay timberland, na siyang naging relokasyon ng mga orihinal na residenteng inalis sa wharf.
Ayon kay Maria Vivian Soriano, hepe ng Conservation and Development Unit ng DENR-CENRO, ang 20 metro easement zone ay nakapaloob sa Water Code of the Philippines at National Integrated Protected Areas System Act of 2002. Nadugtungan pa ito ng karagdagang 10 metro dahil sa umiiral na lokal na ordinansa ng lungsod. Ang mga nabanggit na batas ay nagbabawal sa sino man sa paggamit, at pagtatayo ng ano mang istruktura sa protektadong lugar katulad ng Sabang.