By GLEN P. SIBONGA
INAMIN nina Joshua Garcia at Loisa Andalio na kinausap sila ng executives ng ABS-CBN primetime teleseryeng “The Good Son” upang mas maging maganda ang chemistry nila onscreen.
“Oo, kinausap kami and after po ng pag-uusap na iyon ay mas naging maganda ‘yung pagsasama namin sa set. Hindi namin hinayaan na maapektuhan ng nakaraan namin ‘yung trabaho namin. Nag-uusap naman talaga kami. Okay kami ni Loisa,” paglilinaw ni Joshua.
Ayon naman kay Loisa, “Actually, noong una po talaga mahirap gawin ‘yung mga eksena lalo na pag may mga yakapang eksena. So, parang, ‘Paano ko gagawin?’ Kaya nga raw po acting. At saka siyempre kinausap din kami dito na may time daw na nakikita sa screen na parang awkward. So, sinabihan kami na dapat okay kayo, ganyan-ganyan. So, sa akin naman po okay naman po kasi sila ‘yung nagbigay sa akin ng trabaho, so dapat sundin ko sila.”
Magka-batch sina Joshua at Loisa sa “Pinoy Big Brother,” at doon nga nakita na may chemistry sila hanggang sa sila na ang maging magka-loveteam paglabas nila ng Bahay ni Kuya. Ilang proyekto rin ang pinagsamahan nila hanggang sa i-loveteam na lang sila sa iba. Doon daw sila nawalan na ng komunikasyon at tila nalayo ang kalooban sa isa’t isa. Nagpapasalamat lang sila ngayon na nabigyan ulit sila ng pagkakataon na magkasama at magkatrabaho sa “The Good Son.”
Nakatulong din ba na in real life may Julia Barretto na si Joshua habang may Ronnie Alonte naman si Loisa? “Nakatulong kasi di ba masaya na siya, masaya ako. So, walang reason para magkaroon ng galit-galit kasi masaya na kami. Masaya siya sa work niya, masaya ako sa work ko. Ang dami niyang trabaho, may ginagawa rin ako. Kaya happy ako na after ng lahat, sobrang ganda na ng nangyayari sa buhay namin. Tapos magkasama pa kami dito sa ‘The Good Son,’” sabi ni Loisa.”
Mula sa produksyon ng Dreamscape Entertainment Television, ang “The Good Son” ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “Bagani” sa ABS-CBN Primetime Bida.