By Danny J. Estacio
LUCENA CITY, Quezon – Hindi na nakapalag ang isang mag-biyenan rito Lunes nang posasan sila ng mga awtoridad makaraan ang isang matagumpay na buy-bust operation.
Ayon sa Lucena police, ang dalawang suspek na kinilalang sina Virgie Lamping, 48, at Asmina Mobarak Lamping, 18, mga Muslim na nakatira sa Dato Esmael, Dasmariñas, Cavite, ay nahulihan ng humigit kumulang P130,000 na halaga ng shabu.
Samantala, timbog naman sa hiwalay na operasyon sa Brgy. Cotta rito si Nelson Torres Surquia, 62, matapos siyang mahulihan ng 13 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P3, 700.
Ayon kay Senior Superintendent Rhoderick Armamento, Quezon Police provincial director, sasampahan ng kaso sa city prosecutor’s office ang tatlo sa paglabag sa R.A 9165.