By Ariel Fernandez
Isinugod ang isang 83-taong gulang na babae sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City matapos maatrasan ng isang pamilya na nagse-selfie sa departure lobby ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Naka-confine ngayon sa ospital ang biktima na nakilalang si Juliana Lipan, residente ng Bagong Lipunan, Liberty, Quezon City, ayon sa police.
Nangako naman ang nakabangga na si Oclos Micheal Navarro ng Mandaluyong City na sasagutin niya ang lahat ng gagastusin ni lola Juliana sa ospital.
Ayon sa Airport Police, kapuwa naghatid lamang sina lola Juliana at Navarro ng kani-kanilang kapamilya na patungo ng ibang bansa nang maganap ang aksidente.
Bago pumasok sa loob ng terminal para mag-check in ang kanilang pasahero, nag-selfie muna ang pamilya Navarro, ngunit aksidente nilang naatrasan ang matanda kaya natumba at bumasak siya sa semento.
Ayon kay Dra. Rowena Bernal na siyang rumesponde sa insidente, nakita niya ang matanda na nahihirapang huminga at sumasakit ang likod dulot ng pagkakabagsak sa semento, kaya agad nilang dinala siya sa ospital upang masuri ang buong katawan.
Nakaalis naman ng bansa ang mga pasaherong inihatid nila sa airport.