By Dhel Nazario
Isang Chinese national ang nabaril at napatay ng isang rumesponding pulis matapos saksakin ng dayuhan ang sariling misis noong Miyerkules.
Ayon sa police report, dead on arrival sa ospital si Lang Linbo dahil sa isang tama ng bala sa collar bone.
Kasalukuyan namang naka-confine sa Ospital ng Parañaque ang misis ni Linbo na nakilalang si Zhao Xuelilan, nakatira sa Barangay Tambo, Parañaque City, dahil sa mga saksak na tinamo sa leeg.
Base sa investigation, nasaksihan mismo ni PO3 Danilo Bautista ang pananaksak ng suspek kay Xuelilan dakong 12:30 p.m. sa Puyat Compound, Barangay Tambo, Parañaque City.
Agad na rumesponde si Bautista at nagpakilalang police officer kay Limbo.
Sa halip na huminto sa pag-atake, hindi pinansin ni Linbo ang police officer at sa halip ay tinangka niyang saksakin ng patalim ang alagad ng batas. Dahil dito, napilitang bumunot ng baril si Bautista at pinaputukan ang suspek.
Isinugod ni Bautista si Linbo sa ospital.
Ayon kay Senior Inspector Jerry Sunga, Parañaque City Police investigation chief, nag-away ang Chinese couple dahil pinababalik ni Linbo si Xuelilan sa China para doon magtrabaho, ngunit iginiit ng babae na manatili sa Pilipinas dahil mayroon na siyang trabaho dito. Ang kanilang pagtatalo ay nauwi sa pananaksak.
Sinabi ng police na nagtamo ng pitong sugat si Xuelilan, karamihan sa leeg.
Inaalam pa ng awtoridad kung nasa immigration watchlist si Linbo.