By Danny J. Estacio
CALAMBA CITY, Laguna – Patay na nang matagpuan ang isang 61-anyos na ginang na inereklamong nawawala ng kanyang mga kaanak noong isang linggo.
Ayon kay Senior Superintendent Kirby John Kraft, Laguna Police provincial director, natagpuan Miyerkules ang bangkay ng biktimang kinilalang si Marciana del Mundo sa isang pataniman ng saging sa Barangay Haling dito.
Huling nakitang buhay ang biktima bandang 10 ng gabi noong Biyernes Santo.
Ayon sa witness, nakita diumano niyang sinusuntok ang ginang ng kanyang kinakasamang si Simeon Amoranto, 44, hanggang sa mawalan ito ng malay.
Nang magpunta ang pulisya sa bahay ng dalawa, napansin nila ang mga bahid ng dugo sa sahig.
Sa kalaunan, umamin si Amoranto na napatay niya sa galit ang kinakasama dahil sa patuloy nitong pag-akusa sa kanya na may iba siyang babaeng kinagigiliwan.