by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
***
Hi Alex,
Masyadong mainit sa Maynila, gusto ko sana magpalamig, saan ba pwede pumunta?
Lando ng Tondo
Hi Lando,
May nagawa ka bang kasalanan? Kriminal ka ba? Hinahanap ka ba ng mga pulis? Pakilinaw naman ng tanong please at baka mamaya, magsabi ako ng lugar kung saan pwede magpalamig eh wanted ka pala! Madamay pa ako sa’yo!
***
Hi Alex,
Araw ng kagitingan ngayon, paano ba magpapakita ng kagitingan ngayong mga panahon na ito? Meron pa rin bang mga magigiting?
Isko ng Cavite
Hi Isko,
Tamang-tama taga Cavite ka, madaming mga bayani ang galing sa Cavite. Ang mga bayani natin ang magandang example ng isang magiting na tao. Pero ngayong panahon na ng ‘millenials’ ‘politically correct’ ‘equality’ eh mahirap na magpakita ng kagitingan. Minsan eh mami-misinterpret ka! Kapag nagbukas ka ng pinto, iisipin ng pinagbukas mo eh mahina siya o kaya tanga. Kapag nagpa-upo ka ng babae sa MRT, sasabihin may gusto ka o kaya minamaliit mo ang babae, minsan hindi yun uupo at tatanggihan ka pa. Kapag inakay mo ang isang matanda sa pagtawid, baka mapagalitan ka ng matanda kasi hindi naman pala siya tatawid! Kapag tumulong ko sa pagbuhat ng bag, mapagkakamalan ka pang magnanakaw. Kapag wala ka namang ginawa, bastos ka! Hay buhay!
***
Hi Alex,
Bakit may bungang-araw tapos walang bungang-buwan?
Nato ng Mindoro Hi Nato,
Hindi ko alam kung bakit mo naitanong ito, madalas ka bang nakabilad sa araw. May bungang-araw kasi may mga taong madalas magbabad sa araw. Walang bungang-buwan kasi bihira lang lumabas ang buwan at bihira rin ang taong nagbababad sa buwan. Pwere na lang kung ang trabaho mo eh maglakad sa hating-gabi sa Makati Avenue o Quezon Avenue (sa mga nakakaintindi nito, alam niyo na ha). Eto rin ang dahilan kung bakit may sunblock at walang moonblock!
***
Hi Alex,
Paano ko ba malalaman kung may umiihi sa swimming pool?
Sally ng Sucat
Hi Sally,
Madali lang malaman kung may umiihi sa swimming pool. Yung mag-isa sa gilid at kinikilig, sigurado, umiihi yun. Kapag wala kang makita at gusto mo pa rin masigurado, tikman mo. Kapag maalat, confirmed!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007