By GLEN P. SIBONGA
Very proud si Direk Jun Robles Lana dahil ang pelikulang Die Beautiful na idinirehe niya at produced ng The IdeaFirst Company nila ni Direk Perci Intalan ay patuloy na humahakot ng awards hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa international film festivals sa abroad. Ang latest ay ang pagkapanalo ng Die Beautiful ng Best Feature Film Award sa first edition ng Newcastle International Film Festival na ginanap sa United Kingdom mula March 29 hanggang April 1.
“Surprising even for us na hanggang ngayon umiikot pa rin sa film festivals at nananalo pa rin ng awards ang Die Beautiful. Siyempre nakakatuwa, lalo na dahil special din para sa aming lahat ang pelikulang ito,” sabi ni Direk Jun.
May naka-lineup pa bang salihang ibang international filmfest ang Die Beautiful? “Ang alam ko, marami pang screenings sa international film festival ang Die Beautiful.”
Sa patuloy na success ng Die Beautiful, mas nae-excite tuloy si Direk Jun sa nalalapit na pagpapalabas ng Born Beautiful, ang Cignal Entertainment series na produced din ng IdeaFirst. Sa direksyon nina Direk Perci at Direk Jun, ang Born Beautiful na pinagbibidahan ni Martin del Rosario ay spin-off ng Die Beautiful. Pero may pressure din ba?
“Super excited! Yung pressure hindi ko nararamdaman. Sure ako na kung gaano minahal ng mga tao si Trisha (Paolo Ballesteros) sa Die Beautiful, ganun din ang reception nila kay Barbs (Martin) sa Born Beautiful.”
Gaano siya ka-proud sa cast ng Born Beautiful lalo na kay Martin? “Proud na proud na proud! Napanood ko na ang mga episodes, at ang galing-galing ni Martin. Halimaw sa galing umarte. Excited na akong mapanood siya ng lahat.”
Kasama rin ni Martin sa cast ng Born Beautiful sina Kiko Matos, Akihiro Blanco, Chai Fonacier, Lou Veloso, at may special participation si Paolo Ballesteros. Target ipalabas ang Born Beautiful sa Cignal Cable sa Mayo.