By Malu Cadelina Manar
KIDAPAWAN CITY – Patay ang isang 49-anyos na magsasaka sa Arakan, Cotabato nitong Lunes makaraang pagsasaksakin siya ng pamangkin ng kanyang kaalitan.
Ayon sa pulisya, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima na kinilalang si Felizardo Arim, na nagtamo ng saksak sa dibdib, tiyan at likuran.
Kaagad namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Raffy Galagate.
Sa imbestigasyon, napagalaman na unang sumugod ang biktima sa bahay ng tiyuhin ng suspek na may dalang patalim.
Diumano’y balak nitong komprontahin ang tiyuhin ng suspek ukol sa matagal na nilang alitan.
Duda ng pulisya, dahil sa init ng ulo, hindi napansin ni Arim na kumuha ng kutsilyo ang pamangkin ng kanyang kaaway.
Makaraan ang mainitang pagtatalo, umatake na si Galagate at paulit-ulit na pinagsasaksak ang nagulat na biktima.