By Hans Amancio
Halos nasa P3 million ang halaga ng cash at alahas ang natangay mula sa bahay ng isang Chinese businessman matapos na maloko ng kilabot na “Dugo-Dugo Gang” ang kaniyang katulong noong Martes sa Ermita, Manila.
Ayon kay case investigator SPO1 Rhyan Rodriguez, ang katulong na nakilalang si Victoria dela Rosa, 57, tubong Abra, ay nasa bahay ng kaniyang amo sa Unit 2501 Mayfair Tower Condominiums sa U.N. Avenue corner Mabini St., Manila, nang makatanggap siya ng tawag sa telephone mula sa isang hindi kilalang babae dakong 5 p.m..
Sinabi ng caller kay Dela Rosa na ang asawa ng kaniyang amo na si Rena Alvarez Ko ay naaksidente sa sasakyan at naka-confine sa hospital.
Inutusan ng suspect si Dela Rosa na pumasok sa store room kung saan nakatago ang mga alahas at pera ni Ko.
Kinuha ni Dela Rosa sa store room ang P300,000 cash, isang Rolex watch na nagkakahalaga ng P1.7 million, isang Omega watch worth P400,000; isang Tag Heuer watch worth P100,000,isang Ball watch worth P150,000; at dalawa pang relos na nagkakahalaga ng P100,000.
Sa utos ng suspect, kinatagpo ni Dela Rosa ang babae sa tapat ng isang drug store sa Tayuman, Manila, at doon ibinigay ang mga items.
Nang bumalik si Dela Rosa sa condominium, ipinadakip siya ng kaniyang employer na si Man Ko, 41, sa isang security guard at dinala siya sa Pedro Gil Police Community Precinct.