By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Madalas po masira ang mga appliances namin at lagi kong dinadala sa repair shop. Malaki-laki na rin ang nagagastos ko. Minsan, iniisip ko, ipapagawa ko pa ba or bibili na lang ng bago. Pero naisip ko, mag-aral kaya ako ng troubleshooting para kapag nasira ang mga appliances sa bahay, ako na mismo ang gagawa. Saan ba maganda mag-aral?
Matteo ng Bambang
Hi Matteo,
Ang kilalang eskwelahan para dyan ay TESDA. Pero tayong mga pinoy, kahit hindi nag-aral, magaling sa butingtingan.
Minsan naayos, minsan hindi. Pero ang madalas nating pang-ayos, pukpok at ihip. Diba kapag sira ang remote control, pupukpukin mo lang sabay ihip. Kapag sira ang tibi, pukpok lang sa gilid. Ganun din sa cellphone. Minsan naman, papatayin lang tapos on ulit. Pero kung talagang gusto mo mag-aral, walang problema, buhay mo yan eh!
•
Hi Alex,
Bakit may mga taong nakakainom ng capsule o tablet ng hindi umiinom ng tubig. Ako, kapag iinom, kailangan puno ang baso ng tubig kasi naiisip ko parang babara. Normal lang po ba yun?
Kiko ng Dimasalang
Hi Kiko,
Pareho tayo, hindi ako nakakainom ng gamot ng walang tubig. Nung bata nga ako eh pinapadurog ko na lang. Kaya lang kapag pinadurog mo naman ang gamot, ang sama ng lasa. Ewan ko ba naman sa mga gumagawa ng gamot, ang lalake ng tablet o kaya capsule! Kapag iinom ka, akala mo huling araw mo na eh! Normal lang yan! Dun naman sa mga nakakainom ng tablet o capsule na walang tubig, eh di wow, ikaw na, congratulations!
•
Hi Alex,
Naniniwala po akong may alien. At sigurado ako na mas advance sila kesa atin. Natatakot nga po ako dahil alam ko rin na isang araw, susugurin nila ang planet earth. Ano po ang gagawin natin kapag sinigod tayo ng mga alien?
Taylor ng Makati
Hi Taylor,
Huwag kang mag-alala, kapag sumugod ang mga aliens, hindi papansinin ang Pilipinas, mas uunahing ang ibang bansa kasi maayos ang mga buildings, tulay at mga daan nila. Kapag nakita nila ang Pilipinas lalo na ang Maynila, malilito sila lalo na kapag nakita nila ang buhol-buhol na traffic. Iisipin nila na may naunang alien na sumugod sa atin.
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]/twitter/instagram: alexcalleja1007