By GLEN P. SIBONGA
BALIK-pelikula na sa Star Cinema si Kris Aquino at nakatakda siyang bumida sa movie kung saan makakasama niya ang sikat na loveteam na JoshLia nina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Ito ang tinutukoy ni Kris na “homecoming” sa kanyang nakaraang social media posts at ibinahagi niya ang big announcement na ito nang live sa pamamagitan ng kanyang social media accounts sa Instagram (@krisaquino), Facebook (@krisaquino), at sa kanyang YouTube channel na The Aquinos.
Sa pagtapak muli ni Kris sa ABS-CBN compound ay mainit siyang sinalubong ng Star Cinema executive na si Roxy Liquigan at kaagad din siyang in-interview ng ABS-CBN reporter na si MJ Felipe.
Masaya si Kris na muli siyang makakagawa ng pelikula sa Star Cinema. At sa pagbabalik nga raw niya sa ABS-CBN compound ay may bitbit siyang achievements mula sa pagsabak niya sa online at social media platforms. “Marami akong pinatunayan sa sarili ko. It feels good na sa pagbalik ko, at least may napatunayan ako at meron naman akong dinadala. Kasi mas nakakahiya na bumalik ka na pinulot ka lang sa lupa,” sabi ni Kris na tila may himig titulo ng pelikula.
Natutuwa pang dagdag ni Kris, “I’m very excited because I’m doing part of the 25th anniversary of Star Cinema. Isa sa mga offerings nila is the movie I’m doing with Joshua Garcia and Julia Barretto.”
Nakasama naman sa contract signing ni Kris ang Star Cinema executive na si Direk Olivia Lamasan at ang Cornerstone big boss na si Erickson Raymundo, na co-manager ngayon ni Kris. After nito ay tumuloy na siya sa storycon ng pelikula kung saan present din sina Joshua at Julia, na labis na pinuri ni Kris. Napaiyak daw kasi siya sa JoshLia movie na “Love You To The Stars And Back.” Hinangaan niya rin ang dalawa sa “Unexpectedly Yours” kasama sina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Papuri pa ni Kris sa dalawa, “Julia is really an actress. And then I said na si Joshua has that special karisma that really comes just once in a generation.”
Ang title ng movie nila ay “I Love You, Hater” to be directed by Giselle Andres.