by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Sweldo na naman at panigurado, uuwi na naman ng hatinggabi ang mister ko. Kapag tinanong ko kung saan galing, nanlibre daw ang ka-opisina niya. Hindi ko naman makontra kasi buo naman binibigay sa akin ang sweldo niya. Kung may bawas man, one hundred pesos lang. Naniniwala naman ako sa kanya na buo ang sweldo niya dahil binibigay niya pati ang payslip niya. Chinicheck ko rin ang wallet niya at five hundred pesos lang ang laman. Nagtataka lang ako dahil tuwing sweldo, lasing siya at laging dahilan, nilibre ang ka-opisina.
Totoo po kaya ang sinasabi ng mister ko?
Pia ng Marikina
Hi Pia,
Mahirap na paniwalaan na kada-sweldo eh linilibre ng ka-opisina ang mister mo. Hindi ka ba nagtataka dahil hindi pa siya nanlilibre? Hindi rin sapat na ebidensiya ang payslip dahil diploma nga napepeke sa Recto, payslip pa? Saka, hindi porket walang pera sa wallet, walang pera ang mister mo. Check mo ang sapatos, medyas, garter ng brief at loob ng Bible, baka dyan siya nagtatago ng pera. Kapag totoo ang sinasabi ng mister mo na lagi siyang nililibre, aba, ang swerte niya sa mga ka-opisina!
•
Hi Alex,
May mga kaibigan ako na ang kinakain lang ay gulay. Dati ang tawag lang dito ay vegetarian, ngayon may tinatawag din na vegan. Ano po ba ang kaibahan ng vegetarian at vegan?
Manilyn ng Pasig
Hi Manilyn,
Wala akong pakialam sa kaibahan nila. Ang sigurado ako, ang vegan at vegetarian, parehas gutom! Biruin mo, ang daming masasarap na pagkain, pinili mong kumain ng gulay! Eh puro dahon yun! Kung ang kabayo lang makakapagsalita, magrereklamo yun dahil puro damo ang pinapakain sa kanya! Kaya nga may kasabihan – ‘Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo’ – Nagpakamatay ang kabayo dahil puro damo ang pinapakain sa kanya! Ang dahilan ng mga vegan at vegetarian, may buhay at damdamin daw ang mga hayop kaya hindi sila kumakain! Hoy, ang mga halaman, may buhay din yun at may damdamin! Yung biyenan ko nga, mas kinakausap pa ang halaman kesa sa akin eh! Ang sarap kumain ng karne! Makakain nga ng inihaw na liempo mamaya!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007