PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Mula sa 400 mga istruktura na kinabibilangang ng mga kabahayan at establisyementong panturismo sa bayan ng Coron, Palawan, 75 dito ang nabigyan na ng paabiso ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa demolisyon.
Ito ay matapos na makitaan ang mga ito ng paglabag sa umiiral na batas partikular ang Philippine Water Code, kung saan, ipinagbabawal na sakupin sa pagtatayo ng ano mang istruktura ang mga ilog, baybaying dagat at lawa.
Kamakailan lamang, inisyu ng DENR ang ‘Notice of Demolition’ na pirmado ni Regional Director Natividad Bernardino ng DENR-Mimaropa.
Ang mga ito ay ang mga establisyementong nakatayo sa Barangay Tagumpay, Poblacion 1, 3 at 5 na pasok sa 3-meter easement zone.
Tatlumpung araw na palugit ang ibinibigay ng DENR upang tanggalin, baklasin ang mga establisyemento.
Gigibain naman ito ng DENR kung hindi susunod ang mga may-ari sa kanilang kautusan.
Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Zaldy Cayatoc, inaasahan na masusundan o madadagdagan pa ang mabibigyan ng notice of demolition.