By Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang electrician rito Lunes makaraang mabaril siya ng naka-alitang sundalo.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Aries Joyno, 33, lineman ng United Technician Electrician Manpower Cooperative.
Ayon kay Chief Inspector Joel Martinez, hepe ng Police Station 4 dito, namatay si Joyno sanhi ng tama ng baril sa tiyan.
Diumano’y binaril ito ng suspek na si Sgt. Jason Lao, 34, ng Joint Task Force Gensan, makaraan ang isang mainitang pagtatalo.
Nagalit umano si Lao kay Joyno nang hindi nito natapos ang pag-i-install ng kuryente sa kanyang bahay ayon sa kanilang napagkasunduan.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, binunot diumano ng suspek ang kanyang dalang .45 na baril saka pinutukan si Joyno na kaagad tumimbuwang.
Sumuko naman kaagad si Lao sa kanyang pinuno na si Colonel Adonis Bajao.
Si Bajao ang nagdala kay Lao himpilan ng pulis.
Sasampahan si Lao ng kasong murder.