By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Kapag nagswi-swimming po ako, madalas ako makainom ng tubig. Ano po ba ang mas madumi, tubig sa dagat o tubig sa swimming pool?
Mairon ng Tondo
Hi Mairon,
Parehas lang naman madumi ang tubig sa dagat at tubig sa swimming pool. Sa dagat, depende yan kung anong resort ka.
Kapag dagat sa Manila Bay yan, siguradong madumi yan. Hahawiin mo muna ang basura bago mo makita ang tubig! Kapag sa swimming pool ka, depende din yan sa dami ng mga kasabay mo na nagswi-swimming! Kapag madami, mas madumi syempre.
Pero alam mo Mairon, hindi yan ang totoo mong problema. Ang problema mo, bakit ka nakakainom kapag nagswi-swimming ka. Iwasan mo yan, may problema ka kung marami kang naiinom na tubig habang lumalangoy. Yun ang baguhin mo!
Hi Alex,
May dalawa akong manliligaw ngayon, isang basketball player at isang gitarista. Natatakot ako sa kanila pareho kasi baka lokohin lang ako! Sabi kasi nila, ang mga basketball players, mambobola, ang mga gitarista, babaero. Sino po ba sa kanilang dalawa ang sasagutin ko?
Cara ng Makati
Hi Cara,
Totoo yan! Ang mga basketball player, mambobola yan! Saka madaming mga babae ang nag-aagawan dyan! Kapag naka-shoot na yan, tumatakbo na yan! Kapag gitarista naman, lagot ka rin dyan. Magagaling ang mga daliri niyan at papaikutin ka lang sa kamay niya. Kung ako sayo, wala kang pipiliin dyan! Ang piliin mo, yung tulad ko, komedyante! Kaming mga komedyante, tatawa ka lang at hindi ka luluha! Ang komedyante, kahit nagpapatawa, sa pag-ibig, seryoso kami! Bigay mo sa akin number mo!
Hi Alex,
Eleksyon dito sa lugar namin. Naawa ako sa mga kandidato na nakakuha ng zero na boto. Bakit kaya sila nakakuha ng zero na boto?
Miguel ng Tandang Sora
Hi Miguel,
Wag kang maawa sa mga nakakuha ng zero na boto, kasi alam nila na may daya yan. Kasi bumoto sila sa sarili nila eh bakit zero? Ano, pati sarili nila hindi nila binoto? Nabayaran ba siya para hindi niya iboto ang sarili niya! Ang mas naaawa ako dun sa kandidato na nakakuha ng isang boto! Kasi yung isang boto na yun, alam niyang sa kanya yun! Pero bakit wala ng ibang bumoto sa kanya? Ang mga magulang niya, sino ang binoto? Ang asawa niya, mga kamag-anak, kaibigan, sino ang binoto nila? Siya ang nakakaawa!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]/ facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007