By ROBERT R. REQUINTINA
LAKING pasasalamat ni Hemilyn Escudero-Tamayo, president ng Mutya ng Pilipinas, nang malaman niyang hindi na magsasalpukan ang finals ng 50th Mutya ng Pilipinas beauty pageant at ang international edition ng Mr. World contest sa Sept. 16.
Naganap ang personal na pasasalamat ni Hemilyn kay Arnold Vegafria, national director ng Miss World Philippines at Mr. World Philippines, nang magtagpo ang kanilang landas sa Outstanding Men and Women of the Philippines awards night sa Teatrino sa Greenhills noong Sabado. Ito ay inorgisa ng pamosong talent manager na si Richard Hinola.
“Nagpasalamat talaga ako sa kanya personally. Ako ang lumapit sa kanya,” ayon kay Hemilyn.
Pero tuwang-tuwa si Hemilyn nang pinangakuan siya ni Arnold ng tickets para sa Mr. World contest.
“Bibigyan daw nya ako ng tickets! Gusto ko talagang manood ng contest na ‘yun,’’ dagdag pa ni Hemilyn.
Nauna rito ay napabalitang magsasabay ang finals ng Mutya ng Pilipinas at Mr. World contest sa September. Nalungkot ang mga pageant fans dahil hindi mabibigyan ng moment ang dalawang sikat na pageants.
Pero sinabi ni Steve Douglas Morley, national director ng Miss World Organization, na inurong na sa Jan. 27, 2019 ang panlalaking patimpalak.
Ayon kay Hemilyn, halos malapit ng matapos ang preparation nila para sa 50th Mutya ng Pilipinas beauty pageant. Ayaw pa magsabi ni Hemilyn ng mga detalye pero pipilitin nila itong maging bonggang-bongga.
Sinabi rin ni Hemilyn na wala siyang kasamaan ng loob kahit na kaninong beauty contest.
“Alam niyo naman po ako Miss Friendship ako. Madalas ‘yung ibang candidates ako pa mismo nagsasabi sa kanila na sumali sila sa kabilang pageant at baka andun ang kapalaran nila. Never ko silang na-discourage na sumali or lumipat sa ibang pageants,” dagdag ni Hemilyn.
Ang taas-taas din ng respeto ni Hemilyn kay Stella Marquez Araneta, chairperson ng Bb. Pilipinas Charities Organization, dahil sa pagiging beauty maker nito.
“Alam ni Madam Stella Marquez ang ginagawa niya pagdating sa beauty pageants. At nakita naman natin ang pinaghirapan ng Bb. Pilipinas. Saludo ako sa kanila,” sabi ni Hemilyn.
Nang tanungin kung ano ang masasabi niya sa mga bashers ng Mutya ng Pilipinas, sagot ni Hemilyn: “Wala akong masasabi sa kanila. At saka maliit lang ang industry ng pageant sana magtulungan na lang tayong lahat.”