by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May boyfriend ako for 2 years pero split na kami ngayon. Niloko niya ako at pinagpalit sa ibang babae. Tumatakbo siyang kagawad ngayon sa lugar namin. Iisa ang partido nila ng kuya ko. Kasama ako sa mga nangangampanya para sa buong partido nila kahit masama ang loob ko. Tama po ba na ikampanya ko pa siya kahit niloko niya ako dati?
Clei ng Navotas
Hi Clei,
OK lang na ikampanya mo ang grupo ng kuya mo. Ang gawin mo na lang, habang nangangampanya ka, bigla kang umiyak! Kapag tinanong kung bakit, ilabas mo lahat ng sama ng loob mo sa EX mo. Dapat sa stage para rinig ng lahat. Ikwento mo kung paano ka niloko! Sigurado, madaming mga babae ang magagalit sa kanya at hindi na siya iboboto. Nakaganti ka na!
•
Hi Alex,
First time ko po boboto ngayong eleksyon. Ano po ba ang maibibigay niyong payo sa mga kandidato na dapat kong iboto?
Minnie ng Mendiola Hi Minnie,
Mahirap magbigay ng payo dahil ang mga kandidato, parang mga manliligaw yan, hindi mo makikita ang tunay na ugali habang nangangampanya! Meron akong ibibigay sa’yo isang tip pero hindi ko sinasabing sundin mo. Maglakad ka sa baranggay niyo, tignan mo yung mga nakakabit na mga posters, tignan mo kung sinong poster ang madalas i-vandal. Ang ibig kong sabihin ng vandal eh yung may mga drawing sa mukha ang poster. Kapag madaming vandal sa poster, ibig sabihin madaming galit sa kanya, wag mo siyang iboto!
•
Hi Alex,
Botohan na ngayong araw at ang napansin ko, ang daming mga campaign posters ang biglang nagsulputan sa paligid. Dikit-dikit sila at kahit sa mga matataas na lugar eh may mga nakadikit na campaign posters. Effective ba talaga ang campaign posters para manalo ka sa eleksyon?
Carlo ng Pasay
Hi Carlo,
Effective siya lalo na kung maganda ang kanyang slogan. May kumakandidato sa amin ang slogan ang galing eh – ‘Dating Adik!’ – wala ng kasunod! Interesado ka tuloy ngayon at titignan mo ang mukha kung mukhang adik pa rin. Pero ang problema ko sa campaign posters eh kung gaano kabilis siya kinabit, ang tagal bago matanggal! Wala ng gustong mag-alis o maglinis. Lalo na kung natalo yung kandidato!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007