By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Kakatapos lang ng Mother’s Day at next month, Father’s Day naman. Bakit ba magkasunod ang Mother’s Day at Father’s Day?
Faith ng Bambang
Hi Faith,
Magkasunod ang Mother’s Day sa Father’s day para kapag nakalimutan magregalo ng tatay mo sa nanay mo sa Mother’s Day, wala ring matatanggap na regalo ang tatay mo sa Father’s Day. Kapag naghanda ang tatay mo sa Mother’s Day, may handa din ang nanay mo sa Father’s Day. Kapag masaya ang nanay mo sa Mother’s Day, masaya rin ang tatay mo sa Father’s Day.
Gantihan lang yan!
•
Hi Alex,
Sobrang init ngayon at madaming mga skin diseases bunga ng sobrang init ang naglalabasan. Mahirap lang kami at lahat kaming magkakapatid ay may bungang-araw. Ano ba ang gamot dito at bakit mahihirap lang apektado?
Melchor ng Pasay
Hi Melchor,
Para hindi magkabungang-araw, iwasan magbabad sa arawan. Pwede mong lagyan ng pulbo o kaya punasan ng ointment. Pero dahil nasabi mo na mahirap lang kayo, iwasan mo na lang magpa-araw.
Bihira lang sa mayayaman ito kasi bihira sila maarawan dahil laging naka-aircon. Kung meron ang mayayaman, hindi bungang-araw ang tawag, ang tawag nila ay rashes.
•
Hi Alex,
Sira po ang aircon namin at sabi, kulang sa Freon. Ang tanong ko po, mahal po ba ang Freon?
Tonyo ng Las Pinas
Hi Tonyo,
Wala kang babayaran kasi Freon! Kapag hindi mo nakuha ang joke, email mo ulit ako!
•
Hi Alex,
Sampu po kaming magkakapatid at madalas akong tanungin kung pang-ilan ako sa magkakapatid. Paano po ba sasabihin sa English ang ‘pang-ilan ka sa magkakapatid?
Mikah ng Quiapo
Hi Mikah,
Tantanan niyo na ako sa tanong na yan pero susubukan ko – If you have brothers and sisters, where are you located?
•
Hi Alex,
Mahilig po ako sa isda. Habang kinakain ko po ito, biglang naisip ko, may isda po bang matalino?
Donna ng Sta. Cruz
Hi Donna,
Meron! Ang isdang matalino ay yung isdang hindi mahuli-huli! Bakit hindi mahuli-huli? Ang talino eh! Bakit ang talino, eh hindi mahuli-huli eh! Bakit hindi mahuli…Paulit-ulit lang ‘to!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007