MOGPOG, Marinduque (PIA) – Ipinagdiwang ng bayan ng Mogpog ang anibersaryo ng kanilang ika-211 na pagkakatatag, kasabay ng selebrasyon ng kapistahan ng kanilang patron na si San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka kamakailan.
Bilang tanda ng masaganang ani ng mga magsasaka dito, ipinarada nila sa buong bayan ang mga prutas, gulay, palay, mga bagong huling isda at iba pang lamang-dagat. Ang pagpaparada ng mga pagkaing ito ay simbolo rin ng kanilang pasasalamat sa biyayang kanilang natatanggap.
Bukod pa rito ay ibinida rin nila ang Kangga Festival kung saan ang mga alagang kalabaw ay hila-hila ang kangga o karosang hinihila ng kalabaw, laman ang mga produktong pagkain ng bayan ng Mogpog. Ang bawat kangga ay dinesenyo ng bawat kasapi ng mga barangay ng Mogpog.