SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) – Ipinakilala kamakailan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech sa mga municipal at city agriculturist ng Pampanga ang Agricultural and Fisheries Mechanization and Engineering Resource Network o AFMechERN na naglalayong mapabuti ang database ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa buong lalawigan.
Ayon kay Provincial Agriculturist Edilberto Salenga, pangunahing layunin ng programa ang bumuo at patatagin ang mga bagong datos na magsisilbing pasilidad para sa mekanisasyon at engineering information systems sa sektor ng agrikiultura.
Paliwanag ni Salenga, may kakayahan ang bagong sistema na bumuo ng kinakailangang datos para sa pangkalahatang impormasyon at sanggunian; pagpaplano at pagpopondo; at para sa pagbabalangkas ng mga polisiya at adbokasiya.
Upang makamit ito, bibigyan ng access ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, non-government organizations, mga kinikilalang organisasyon sa sektor ng agrikultura, at iba pang pribadong organisasyon na kabahagi sa pagpapaunlad, produksyon, pagtataguyod at pagbebenta ng mga makinarya at kagamitan sa agri-fishery.