By Alexandria San Juan
Isang pekeng traffic enforcer ang dinakip ng police matapos umanong mang-extort ng pera sa mga motorista sa Quezon City.
Kinilala ni Superintendent Tomas Nuñez, chief ng Quezon City Police District-Galas Police Station (PS-11), ang suspect na si Reynante Pascasio, 40, nakatira sa Mapulang Lupa, Valenzuela City.
Base sa report, ang suspect na nagpanggap na isang MMDA traffic constable ay inireklamo dahil sa sunod-sunod na extortion activities sa Araneta Avenue, Barangay Santol, Quezon City.
Dahil dito, nagsagawa ang PS-11 operatives ng surveillance operation dakong 1:30 a.m. kahapon sa kanto ng Araneta Avenue at Palanza Street kung saan nakita nila si Pascasio na nakasuot ng MMDA uniform at name plate.
Nakatayo ang suspect sa tabi ng kaniyang motorsiklo na may blinker sa isang madilim na parte ng lugar nang sitahin siya ng mga pulis. Agad siyang dinakip nang mabigo niyang patunayan na isa siyang bonafide member ng MMDA.
Dinala si Pascasio sa police station para imbestigahan. Nakumpiska sa kaniya ang isang MMDA field uniform at motorcycle na may plate number 7968XT.
Kinumpirma ng MMDA Office sa Makati City na ang suspect ay hindi isang MMDA employee. Nakatakda siyang sampahan ng kaukulang kaso.