by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Sinama po ako ng tatay ko na mahilig magsabong sa sabungan. Nag-enjoy naman ako dahil natutuwa ako sa ingay ng mga nanunuod at sa sabong ng mga manok. Gusto ko lang malaman, ano ba ang kaibahan ng lyamado sa dehado?
Per ng Pasay
Hi Per,
Bago kita sagutin, gusto ko lang ipaalala sa’yo na may mga sabungan na illegal, sana sa legal na sabungan ka pumupunta. Heto ang sagot sa tanong mo; ang lyamadong manok, yun yung inaasahang mananalo sa laban. Siya yung manok na mas magaling, mas madaming laban na pinanalo. Ang dehadong manok naman ay hindi masyadong magaling kumpara sa makakalaban niya. Pero kahit lyamado o dehado ang manok, kapag natalo, malamang magiging adobo!
•
Hi Alex,
Mainit po ngayon at madalas akong makakita ng mga babaeng nakapayong na normal lang naman dahil panlaban sa init. May mga nakikita rin akong lalakeng nakapayong. Ang tanong, kapag mainit ba, ok lang na gumamit ng payong ang lalake?
Danny ng Malabon
Hi Danny,
OK lang yan. Hindi naman nakakawala ng pagkalalake ang pagamit ng payong kapag mainit. Mainit nga eh, anong gusto mo, lalake ka nga eh nasunog ka naman sa sikat ng araw o kaya amoy pawis ka. Ang hindi ko matatanggap eh kung nakapayong ka sa gabi na wala namang ulan. Kahit lalake ka pa or babae ka at nakapayong ka sa gabi, matatakot ako sayo!
•
Hi Alex,
Malapit na magpasukan. Bayaran na naman ng tuition. Nag-aaral ang anak ko sa private school kaya mataas ang tuition. Gusto ko ilipat ng public para mas makamura. May nagsabi naman sa akin na may mga semi-private na school na sakto lang ang tuition. Ano po ba ang maipapayo niyo?
Gerry ng Cainta
Hi Gerry,
Sa totoo lang, wala naman kaibahan kung public or private. Nasa anak mo pa rin yan. May magagaling na private school at may magagaling din na public school. Ang hindi ko lang maintindihan ang semi-private. Dapat magdecide na sila kung saan sila kakampi, nasa gitna sila eh, parang barkada mo na balimbing. Sila yung minsan mahirap, minsan mayaman. Ah baka naman ang semi-private na school eh para sa mga middle class family! OK gets ko na!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007