DAET, Camarines Norte (PIA) – Palalakasin sa lalawigan ng Camarines Norte ang modelong sakahan para sa produksiyon ng pagtatanim ng palay sa pamamagitan ng paggamit ng Hybrid and Inbred Rice mula sa mga tanggapan ng agrikultura.
Ayon kay Provincial Agriculturist Engr. Almirante Abad ng OPAg, layunin ng naturang gawain ang ipaalam sa mga magsasaka ang mga programa ng kagawaran ng agrikultura na nagbibigay sila ng mga modelong sakahan para sa Hybrid at Inbred Certified Seeds.
Aniya, para tumaas rin ang ani ng mga magsasaka sa Camarines Norte lalo na sa produksiyon ng palay sa bawat ektarya kumpara sa dating mga binhi na ginagamit sa pagtatanim.
Sa bahagi ng oryentasyon ay tinalakay at pinag-usapan ang mga kaalaman sa pagtatanim ng palay para sa produksiyon ng susunod na taniman.
Tinalakay din ang paggamit ng certified seeds para sa clustering ng mga magsasaka sa Hybrid at Inbred rice ganundin ang balidasyon para sa proseso ng lugar ng pagtataniman na pinangunahan ng OPAg.
Sa pagtatanim naman ay magbibigay ng talaan ng mga magsasaka ang bawat lokal na pamahalaan upang makapag-avail ng mga programa mula sa tanggapan ng agrikultura para sa sakahan.